DOTr, hihingi ng budget sa ilalim ng Bayanihan 2 para sa Metro Manila bike lane network

Humihirit ang Department of Transportation (DOTr) ng budget para sa pagsusulong ng bike lane network sa Metro Manila sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2.

Ang Bayanihan 2 ay kasalukuyang nakasalang sa Bicameral Conference Committee.

Ayon kay Transportation Assistance Secretary for Road Sector Mark Steven Pastor, nakipagtutulungan sila sa mga mambabatas na mabigyan ang kagawaran ng pondo para sa pagpapatupad ng proyekto.


Ang Metro Manila-Wide Bike Lane Network ay tinatayang nagkakahalaga ng P1.035 billion sakop ang kabuuang 644 kilometers na bike lane.

Sinabi ni Pastor na magkakaroon ng bike lane network sa circumferential at radial roads sa Metro Manila.

Magkakaroon din ng bike lanes sa Ortigas, Buendia, White Plains, Estrella, Ayala at Manggahan na may kabuuang 68 kilometers.

Ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang magtatayo ng ‘interim bike lanes’ sakop ang mga ruta sa Taft Avenue, Quirino Avenue, Roxas Boulevard at United Nations Avenue para sa mga healthcare workers na nagtatrabaho sa Philippine General Hospital (PGH), Manila Doctor’s Hospital, Manila Medical Centre at Ospital ng Maynila.

Mayroon ding interim bike lanes sa Quezon City para sa mga health frontliner na pumapasok sa Philippine Children’s Hospital, Lung Center of the Philippines, Philippine Heart Center, Veterans Memorial Medical Center at East Avenue Medical Center.

Para sa EDSA bike lanes, pinoproseso na ang mga materyales na gagamitin sa proyeko.

Nabatid na ang limitadong transportasyon at pagpapatupad ng community quarantine measures ang nagtulak sa karamihan sa mga manggagawa na gumamit ng bisikleta papasok at pauwi mula sa kanilang trabaho.

Facebook Comments