Pinayuhan ng National Center for Commuters Safety and Protection Inc. (NCCSPI) ang Department of Transportation (DOTr) na huwag maging padalos-dalos sa desisyon nitong bawasan ang social distancing sa mga publikong transportasyon sa bansa.
Sa interview ng RMN Manila sinabi ni NCCSPI National Chairperson Elvira Medina na hindi pa ganoon ka-epektibo ang mga ipinatutupad ng health protocols sa mga pampublikong sasakyan.
Aniya, bagama’t kasi hindi na mahihirapan ang mga pasaherong makasakay, mas lalaki pa rin ang risk ng posibleng pagkahawa kung magiging .75 meter na lang ang agwat ng mga pasahero.
Sa ngayon, nakatakdang magpulong ang Inter-Agency Task Force (IATF) kasama ang ilang medical experts para talakayin ang usapin na una ring pinagdebatehan ng mga miyembro ng gabinete.