Pinayuhan ng Department of Transportation (DOTr) ang mga driver at conductors ng public utility vehicles (PUVs) na samantalahin ang pagkakataon na i-avail ang assistance programs ng pamahalaan para sa transport stakeholders na apektado ng COVID-19 pandemic.
Kaya panawagan ni Transportation Secretary Arthur Tugade, sa lahat ng manggagawa sa pampublikong transportasyon na sumali sa service contracting program ng kagawaran at ang “Tsuper Iskolar” program para sila ay muling makabangon.
Nakadisenyo aniya ang mga programa hindi lamang sa mga tsuper at konduktor kundi maging sa kanilang pamilya o mahal sa buhay.
Ang mga PUV driver na lalahok sa service contracting ay makakatanggap ng onboarding incentive.
Itinaas din ng DOTr at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang halaga ng payout sa mga driver na sumali sa ‘Libreng Sakay’ Program mula sa ₱46.80 hanggang ₱82.50 per kilometer para sa mga bus at ₱52.50 para sa mga jeepneys.
Ang mga participants ay makakatanggap ng dagdag na ₱7,000 kung magla-log in sila sa driver mobile application ng LTFRB sa loob ng limang araw sa isang linggo.
Maaari ring mag-enroll ang mga PUV drivers at konduktor sa Tsuper Iskolar ng DOTr at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para mapahusay pa ang kanilang skills.
Alok sa programa ang libreng skills training, skills assessment, at entrepreneurship training.