Nilinaw ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Art Tugade na mananatili pa rin ang bilang ng mga transportasyon na bumabiyahe sa National Capital Region (NCR) sa pagpatutupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) mula August 6 hanggang August 20 ngayong taon.
Ayon kay Tugade, nakasaad sa kasalukuyang Omnibus Guidelines na inaprubahan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na nagpapahintulot na walang babawasan ang kapasidad ng public transportation, kung saan ang naturang kapasidad at supply ay naaayon sa rekomendasyon ng DOTr.
Giit ng kalihim na tanging ang mga Authorized Person Outside Residence o APOR na kinikilala ng IATF-EID ang pinapayagang makasakay sa mga Public Transport Services (PTS).
Paliwanag ni Tugade, magkakaroon ng mahigpit na pagpatutupad sa mga pasahero upang matiyak na tanging mga APOR ang pinapayagang lumabas at sumakay sa mga pampublikong sasakyan.
Pinaalalahanan naman ng kalihim ang mga APOR na maghanda na ipresenta sa transport marshals ang kanilang mga dokumento o ID na nagpapatunay na otorisado silang lumabas sa kanilang mga tahanan para makapaghanapbuhay.