DOTr, ikinalugod ang hakbang ng Beep Card operator na libreng mamamahagi ng 125,000 cards

Ikinalugod ng Department of Transportation (DOTr) ang desisyon ng AF Payments Inc. (AFPI), ang operator ng “Beep Cards” na mamahagi ng 125,000 cards na libre na sa mga nangangailangang commuters.

Sa statement ng DOTr, nagpapasalamat sila sa AFPI sa hakbang na ito at sa pagkokonsidera sa hirap ng mga commuters na nagsisimulang makabangon mula sa mahigpit na quarantine measures.

Ang hakbang ng AFPI ay kasunod ng pagpapahinto ng DOTr sa mandatoryong paggamit ng Beep Cards sa EDSA Busway System.


Ang AFPI, na consortium ng Ayala Group at First Pacific Group ay nakikipag-ugnayan na sa DOTr para sa proseso ng libreng distribusyon ng Beep Cards sa mga commuters na hindi kayang makabili ng nasabing card.

Bukod dito, nag-aalok din ang AFPI sa mga bus operators na i-upgrade ang kanilang system kung saan pinapayagan ang mga pasahero ng EDSA Carousel na gumamit ng Quick Response o QR ticket sa halip na tap-to-pay cards.

Facebook Comments