Inatasan na ng Department of Transportation (DOTr) ang airport officials na payagan ang mga stranded na pasahero na papasukin sa loob ng mga airport terminal at manatili hanggang sa payagan na silang makabiyahe.
Kinausap ni Transportation Secretary Arthur Tugade ang ilang Locally Stranded Individuals (LSI) sa loob ng Terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nang magsagawa siya ng inspeksyon kasama ang mga opisyal ng Manila International Airport Authority (MIAA) at Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).
Paglilinaw ng kalihim na ang mga mayroong ticket lamang ang maaaring pumasok dahil ikinokonsidera pa rin ang high security demands ng paliparan.
Naglagay na rin ng karagdagang upuan sa NAIA kasunod ng utos ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Aminado si Tugade na kulang ang mga upuan sa NAIA para sa mga pasahero at kanilang tinutugunan ito habang nasusunod ang social distancing.
Ang NAIA Terminal 3 ay mayroong seating capacity na nasa 8,000 pero kalahati lamang ang nagagamit dito dahil sa social distancing.