Ipagpapatuloy ng Department of Transportation (DOTr) ang pagtapos sa mga big ticket transportation infrastructure projects sa pamamagitan ng Public-Private Partnership (PPP) scheme.
Ayon kay DOTr Secretary Bautista, malaki ang maitutulong ng PPP scheme para mabawasan ang logistics cost ngayong sa limitado ang budget allocations ng gobyerno.
Giit ng kalihim, napakahalaga ang pagkumpleto sa mga malalaking proyekto kung kaya’t hihikayatin nila ang partisipasyon dito ng private sector, partikular ang Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI).
Sa pamamagitan ng PPP scheme ay parehong makalilikha ng investments ang gobyerno at magkakaroon ng hanapbuhay ang mga manggagawa habang mapapalakas ang transport connectivity.
Kumpiyansa si Bautista na may sapat na kakayahan at kapasidad ang private sector para isakatuparan ang mga ambisyosong mga proyekto.
Kabilang sa mga big ticket transport projects na maaring pumasok ang private sector ay ang EDSA Busway, Cebu Bus Rapid Transit (Cebu BRT), ang pagkumpleto sa sampung provincial airports, at ang mga network ng seaports sa bansa.