Thursday, January 29, 2026

DOTr, ipinag-utos na payagan ang ilang shipping lines na bumiyahe sa ruta ng sinuspindeng shipping line matapos ang maritime incident

Inatasan ng Department of Transportation (DOTr) ang Maritime Industry Authority (MARINA) na payagan ang ilang shipping lines na bumiyahe sa mga rutang dating sinisilbihan ng Aleson Shipping Lines.

Ito ay kasunod ng pagsuspinde sa operasyon ng mga barko ng nasabing shipping line matapos ang paglubog ng M/V Trisha Kerstin 3 noong Lunes.

Ayon sa DOTr, papayagan lamang bumiyahe sa ruta ng Aleson ang mga barkong pasado sa safety regulations.

Sinabi ni Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez na kailangang matiyak ang tuloy-tuloy at ligtas na biyahe ng mga pasahero habang sumasailalim sa comprehensive safety audit at inspeksyon ng Philippine Coast Guard (PCG) at MARINA ang mga barko ng Aleson Shipping Lines.

Kabilang sa mga rutang bibigyan ng special permit ang mga barko ang mga biyahe mula Zamboanga City patungong Isabela City, Lamitan City, Siasi at Jolo sa Sulu, at Bongao, Tawi-Tawi. Kasama rin ang mga rutang Pulauan–Dapitan City–Dumaguete City, at Dumaguete City–Siquijor/Larena.

Sa kasalukuyan, may mga bumibiyahe namang barko sa mga nabanggit na ruta, maliban sa Lamitan City at Bongao.

Handa rin ang PCG na magbigay ng libreng sakay sakaling kulangin ang mga barkong magseserbisyo sa mga apektadong pasahero.

Ayon kay PCG Spokesperson Captain Noemie Cayabyab, gagamitin ng ahensya ang kanilang mga 44-meter vessels para sa libreng sakay ng mga pasaherong naapektuhan ng imbestigasyon sa Aleson Shipping Lines.

Facebook Comments