DOTr, magbubukas pa ng tatlong ruta ngayong araw bilang bahagi ng 31 Rationalized Bus Routes

Kinumpirma ng Department of Transportation (DOTr) na magbubukas pa ito ngayong araw ng tatlo pang karagdagang ruta para sa 31 Rationalized Bus Routes sa buong Metro Manila.

Ang tatlong bagong ruta ay route 8 na magmumula ng Cubao hanggang Montalban.

Nadagdag din ang route 24 na mula naman Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) papuntang Alabang.


Magkakaroon din ng biyahe mula BGC hanggang Alabang bilang route 25.

Ang 31 Rationalized Bus Routes ay inisyatibo ng DOTr at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) bilang tulong sa stranded na commuters dahil sa kakulangan ng pampublikong sasakyan sa panahon ng General Community Quarantine (GCQ) na umiiral sa buong National Capital Region (NCR).

Mula nang ipinatupad ang GCQ sa NCR, mayroon ng 12 ruta na binukasan ang DOTr at LTFRB para sa mga bus na magbibigay serbisyo sa mga taong walang masakayan.

Samantala, paalala naman ng LTFRB sa mga operators at draybers ng mga bus na parating magsuot ng face mask at gloves, maglinis at mag-disinfect ng kaniya-kaniyang unit bago at pagtapos ng kada biyahe o kada dalawang oras.

Huwag din kalimutan na maglagay ng harang na gawa sa transparent plastic na materyales at pagsunod sa passenger seating capacity na batay sa guidelines ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) at ng Kagawaran ng Transportasyon.

Facebook Comments