Magde-deploy ang Department of Transportation (DOTr) ng mga tauhan para mahuli ang mga napauulat na bus drivers at operators na naniningil ng dagdag-pasahe sa mga pasahero.
Sinabi ito ni Transportation Usec. Mark Steven Pastor, kasunod ng mga report na mayroong ng mga bus sa Commonwealth ang naniningil ng dagdag na pisong pasahe sa mga commuter, kahit wala pa naman silang hawak na fare matrix, at ang ipinakikita sa mga pasahero ang advisory ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kaugnay sa implementasyon ng taas-pasahe sa Oktubre.
Sa briefing ng Laging Handa, nagbabala si Usec. Pastor na dapat sumunod ang drivers at operators sa tamang pagpapatupad nito, lalo’t mabigat ang multa sa mga lalabag dito.
Sinabi pa ni Usec. Pastor, posible ring masuspinde ang mga ito.
Samantala, kaugnay naman sa patuloy na pagpapatupad ng health protocols sa mga pampublikong sasakayan laban sa COVID-19, siniguro rin ng opisyal na nakakalat pa rin ang mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Inter-Agency Council for Traffic – Land Transportation Office (I-ACT-LTO), at LTRFB para dito.
Sa bawat istasyon naman aniya ng EDSA bus way, maroong mga nakamando na mga tauhan ng I-ACT, para matiyak ang kaligtasan ng publiko laban sa virus.