Manila, Philippines – Nagpaliwanag ngayon ang Department of Transportation (DOTr) hinggil sa pagbabawas ng bilang ng mga bumibiyaheng tren at pagbagal ng andar ng mga ito.
Ayon kay Usec. Cezar Chavez, DOTr – may nakitang nabaling ‘axle’ o iyong bakal na nagdudugtong sa mga gulong na nasa magkabilang gilid ng tren kung saan hindi naman daw nakalas ang mismong gulong ng tren, pero lubhang delikado ito kung hindi agad makukumpuni.
Dahil dito, nag-deploy ng 80 bus at government vehicles ang joint quick response team na binubuo ng LTO, LTFRB, DPWH, MMDA at DOtr.
Ang mga pasahero na sasakay sa mga bus ay magbabayad ng pamasaheng katulad ng halaga ng singil sa mrt pero libre naman kung government vehicle ang kanilang masasakyan gaya ng bus ng MMDA at military trucks.
Hiniling na rin ng DOTr sa MMDA na suspindihin ang number coding para sa mga city bus upang makatulong ang mga ito sa mga apektadong pasahero.
Ang pag-deploy ng mga bus at government vehicles ay gagawin hanggang linggo tuwing rush hour sa umaga at hapon hanggang gabi.