Nakatanggap ang ilang munisipalidad sa bansa na ng refrigerated container vans mula sa Department of Transportation (DOTr) para gamiting imbakan ng sariwang pagkain sa gitna ng krisis dulot ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay DOTr Secretary Arthur Tugade, inisyatibo ng ahensiya ang pamamahagi ng refrigerated vans na tinawag na “Palamigan ng Bayan” sa tulong ng Philippine Ports Authority at Marina.
Nilalayon nito na mabigyan ang agriculture sector upang mapreserba ang kalidad ng kanilang produkto at para hindi masira.
Paliwanag ng kalihim may 10 container vans ang naipamahagi na ng DOTr sa iba’t ibang LGUs sa bansa.
Kabilang dito ang One Bataan Center sa Orani, Bataan, Dingalan sa Aurora; Tubigon sa Bohol; Claveria sa Cagayan; Iloilo Province; at Ormoc City sa Leyte at asahan na mabibigyan ang iba pang lalawigan sa susunod na linggo.
Na-iturn over na rin sa pamahalaang panlalawigan ng Cebu ang para sa fish port ng munisipalidad ng San Remigio at Cebu South Bus terminal na gagamitin naman para sa Provincial Bagsakan Central.