Umabot na sa labing-pitong (17) bicycle racks ang inilagay sa mga istasyon ng MRT-3 bilang suporta sa ligtas na pagbiyahe ng mga pasahero sa pamamagitan ng pagbibisikleta.
Ayon sa Department of Transportation (DOTr), nagkaroon na ng tig-isang bike racks sa mga istasyon ng Cubao, Santolan, Ortigas, Shaw Boulevard, Boni at Guadalupe at apat pa sa Buendia Station.
Samantala, sa North Avenue at Quezon Avenue station ay mayroon na ring dalawang bike racks na maaaring magamit ng pasahero habang tatlo naman sa GMA-Kamuning Station.
Bawat bicycle rack ay kayang maglagay ng limang bisikleta at libreng magamit ng mga pasahero araw-araw sa oras ng revenue hours ng MRT-3.
Target ng DOTr at MRT-3 management na makapag-lagay ng kabuuang 34 bike racks sa lahat ng istasyon ng MRT-3 sa magkabilang panig mula North Avenue station hanggang Taft Avenue station.