Pinuntahan ng Department of Transportation (DOTr) ang pasilidad ng Angkas motorcycle taxi para pag-aralan kung ligtas ba ang pasahero sa kanilang pagpasada.
Kung maalala bumuo ang DOTr ng Technical Working Group (TWG) para pag-aralan ang mungkahi ng ilang mambabatas hinggil sa pamamasada ng ilang motorcycle taxi tulad ng habal-habal at Angkas bilang solusyon sa mabigat na daloy ng trapiko.
Kahapon, nag-observed ang mga otoridad sa training facility ng Angkas sa Taguig City.
Tutukuyin ng TWG kung anong klase ng motorsiklo ang maaaring bigyan ng prangkisa, ang minimum cubic centimeter, capacity, travel speed, franchise routes seat at helmet requirements, gayundin ang training requirements para sa mga motorcycle bikers.
Ayon kay DOTr Secretary Arthur Tugade, pag-aaralan nila kung maaaring maging mode of public transport service ang motorsiklo.
Bagaman gusto nilang maging komportable ang buhay ng mga Pilipino prayoridad pa rin anila ang kaligtasan ng pasahero.
Samantala, kapag natapos ng TWG ang pag-aaral kanila itong isusumite sa Kongreso at saka ipapaubaya sa mga mambabatas kung maaaring amyendahan ang Republic Act 4136 o Land Transportation and Traffic Code.