Plano ng Dept. of Transportation (DOTr) na gawing standard ang sahod ng mga taxi driver at mabigyan ng kaukulang benepisyo.
Ito ay tugon na rin sa isinusulong na PUV Modernization Program.
Sa isang Department Order, inaamyendahan ang probisyon sa mga premium taxi.
Dito, mabibigyan ng kompensasyon at benepisyo ang mga tsuper ng taxi alinsunod sa labor code pati na rin ang training requirement para sa mga ito.
Ang mga premium taxi ay kailangang maging Euro-4 compliant, at may maayos na air-conditioning system.
Iibahin din ang kulay nito sa silver at gold.
Madadagdagan din ang safety features ng mga premium taxi gaya ng libreng internet access, Global Positioning System o GPS, at paglalagay ng dashboard at occupancy cameras.
Ayon kay DOTr Sec. Arthur Tugade, kapag regular ang pasahod sa mga taxi driver ay mababawasan ang agawan sa pagkuha ng maraming pasahero.
Pero sa panig ng Philippine National Taxi Operators Association, sinabi ni President Bong Suntay, na mas dadami ang mga magiging kampanteng taxi driver at mababawasan ang pagiging produktibo nito kapag inalis ang boundary system.
Samantala, nakatakdang maglabas ng Memorandum Circular ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) alinsunod sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng department order ng DOTr.