DOTr, nakahanda na sa huling tigil-pasada ng MANIBELA ngayong araw

Handang-handa na ang pamunuan ng Department of Transportation (DOTr) upang tumugon sa mga posibleng istranded ng mga commuter sa mga lugar na apektado ng gagawing huling tigil-pasada ng grupong Samahang Manibela Mananakay at Nagkaisang Terminal ng Transportasyon (MANIBELA) ngayong araw.

Ayon kay Transportation Secretary Vince Dizon, aapela sila sa grupong MANIBELA na pag-usapan ang kanilang mga hinaing sa pamamagitan ng isang konstruktibo at bukas na dayalogo.

Tinitiyak naman ng DOTr na bukas ang Kagawaran sa mga suhestiyon upang mapag-aralan kung paano mapabubuti at magagawang mas inklusibo ang pagsusulong ng Public Transport Modernization Program (PTMP), hindi lamang para sa mga commuter kundi para rin sa mga operator at driver.


Matatandaan na ang pangunahing dahilan ng grupong MANIBELA kung bakit sila magsasagawa ng 3 araw na tigil-pasada ay dahil sa pagkansela na umano sa kani-kanilang prangkisa ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na naging dahilan kung bakit hindi na sila makapagrehistro sa Land Transportation Office (LTO).

Paliwanag ng grupong MANIBELA ang pumapasada nilang kasamahan na hindi nakapagparehistro ay natitiketan at pinagmumulta umano ng ₱50,000 kaya’t ito ang dahilan kung bakit ipinawagan nilang dapat ng ikansela ang PTMP.

Facebook Comments