DOTr, nangako sa Senado na tatapusin ang pamamahagi ng fuel subsidy sa 600,000 tricycle drivers sa buong bansa sa Enero 2023

Tiniyak ni Transportation Secretary Jaime Bautista na makukumpleto na nila ang pamamahagi ng fuel subsidy sa 600,000 tricycle drivers sa susunod na taon.

Sa muling pagsalang ni Bautista sa confirmation hearing ng Commission on Appointments (CA), humingi ng update si Bacoor Representative Lani Mercado kaugnay sa pamamahagi ng subsidiya na pantawid pasada para sa mga tricycle drivers.

Nangako si Bautista sa CA panel na sa January 15, 2023 ay makukumpleto na ng ahensya ang distribusyon ng fuel subsidy sa 600,000 tricycle drivers sa buong bansa.


Sa ngayon aniya ay umaabot pa lang sa 20,000 tricycle drivers sa buong bansa ang nabigyan ng fuel subsidy ng pamahalaan.

Sinabi naman ni Mercado na maliit na porsyento lang ito ng kabuuang bilang ng mga tricycle driver pero umaasa siyang magagawa ng Kalihim ang target para sa susunod na taon.

Matatandaang nagpulong at nagkasundo sina Senator Alan Peter Cayetano at Bautista na mamadaliin na ang pamamahagi ng fuel subsidy para sa libu-libong tricycle drivers sa buong bansa.

Facebook Comments