
Nilinaw ng Department of Transportation (DOTr) na mga brand new na sasakyan at motorsiklo lamang ang magkakaroon ng limang taong validity ng registration.
Ayon sa DOTr, pagkalipas ng limang taon, magkakaroon na ng taon-taon na renewal ng rehistro ng sasakyan.
Magkakaroon din aniya ng roadworthiness check sa ikaapat na taon ng sasakyan para matiyak na maayos ang mga tumatakbong sasakyan sa kalsada.
Una nang inihayag ng Transportation Department na dahil maraming car dealers ngayon ang nagbibigay ng mas mahabang warranty sa mga bagong sasakyan, dapat ay mas mahaba na rin anila ang validity ng registration ng mga ito.
Umapela rin ang DOTr sa car dealers at sa Chamber of Automotive Manufacturers of the Philippines, Inc. (CAMPI), na gawin na ring libre ang limang taong rehistro ng mga brand new na sasakyan para makatipid ang mga motorista.










