DOTr, papayagan na ang magkakatabing pasahero sa mga pampublikong sasakyan

Papayagan na rin ng Department of Transportation (DOTr) na magkakatabi ang mga pasahero sa mga pampublikong sasakyan sa bansa.

Sa interview ng RMN Manila kay Transportation Assistant Secretary Goddes Hope Libiran, nilinaw nito na bukod sa one-seat apart policy ay mayroon din option ang mga Public Utility Vehicles (PUVs) na pagtabihin ang kanilang mga pasahero.

Pero, nilinaw ni Libiran na dapat ay mayroon pa ring plastic barrier sa kanilang pagitan at may UV light na magagamit para sa sanitation.


Ang hakbang na ito aniya ay para mapataas o mas marami pang commuters ang maserbisyuhan kasabay ng pagbubukas na iba pang industriya.

Inaasahan na ilalabas anumang araw ngayon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang guidelines sa nasabing polisiya.

Noong linggo, una nang pinayagan ng pamahalaan ang pagbubukas ng iba pang ruta para sa mga pampasaherong bus at jeep.

Bukod rito, hinihintay na rin ng DOTr ang resolusyon ng Kongreso para sa pilot study ng motorcycle taxis.

Facebook Comments