Pinag-aaralan na ng Department of Transportation (DOTr) ang pagdaragdag ng libreng sakay at pagdaragdag ng public transport sa harap na rin ng pagbabalik sa face-to-face classes sa mga eskwelahan simula sa Agosto.
Sa isang media conference ng DOTr, sinabi ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Cheloy Garafil na sa serbisyo ng bus carousel, minamadali na nila ang pagbabayad sa mga bus company na kinokontrata para sa libreng sakay.
Ani Garafil, naantala lang noon ang pagbabayad sa mga bus company dahil na-overwhelm umano ang ahensya sa service contracting program.
Mayroon din umanong jeepney rationalization program na tutugon sa pagdaragdag ng ruta.
Masusi aniya itong pinag-aaralan upang maging mas kumbinyente ito sa mga mag-aaral.
Hindi naman nakasama sa inanunsyo kung makababalik sa EDSA ang mga provincial buses.
Wala pa ring aksyon sa ngayon sa hirit na dagdag-pasahe ng mga pampasaherong bus.
Agad aniya itong tatalakayin sa sandaling mabuo ang board ng LTFRB.