Umapela si Transportation Committee Chairman at Samar Rep. Edgar Mary Sarmiento sa Department of Transportation (DOTr) na mag-deploy ng mga marshals na magpapatupad ng safety at health protocols sa mga bus at jeepneys.
Partikular na hinihiling ni Sarmiento ang pagde-deploy ng public transportation marshals kay DoTr Sec. Arthur Tugade.
Naobserbahan ni Sarmiento na maraming mga bus at jeepneys ang sumosobra sa maximum capacity na itinatakda ng Inter-Agency Task Force (IATF) kung saan dikit-dikit na ang mga pasahero.
Bukod dito, walang ipinapatupad na temperature checks at wala ring contact tracing form o QR code reader/recorders sa mga pampublikong sasakyan na isa sa mga requirement ng IATF.
Nababahala si Sarmiento na ang mga pasaherong asymptomatic ay posibleng carrier at maging super-spreader pa ng COVID-19.
Giit ng kongresista sa mga drivers at operators na mahigpit na sumunod sa minimum health protocols dahil hanggat hindi nakakamit ang vaccination goals ay hindi pa muna dapat magpaka-kampante ang lahat.
Dagdag pa ng mambabatas, ang pagtatalaga ng public transportation marshal ay makapagbibigay ng trabaho sa mga nawalan ng hanapbuhay ngayong pandemya.