DOTr, pinaghihinay-hinay ng commuters group sa pagpapataw ng penalty sa ‘no vaccination, no ride’ policy

Nagpahayag ng pangamba ang Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) sa parusang nais ipataw ng Department of Transportation (DOTr) sa mga operator at driver na lalabag sa ‘no vaccination, no ride’ policy.

Kasunod ito ng first day ng pagpapatupad ng nabanggit na polisiya.

Sabi ni LCSP President Atty. Ariel Inton, kahit pa anong higpit at paalala ng isang tsuper gaya ng sa jeepney at UV express ay siguradong mayroong makakalusot na pasahero sa gitna ng kanilang pamamasada.


Ayon sa LCSP, marami ang pasaherong magpapalusot lang dahil ang mismong ‘no vaccination, no ride’ policy ay hindi absolute at may mga exemptions gaya ng mga hindi bakunado dahil sa rasong medikal at ang mga bibili ng essential na bagay tulad ng pagkain o gamot.

Paglilinaw ni Atty. Inton, hindi sila tutol sa ‘no vaccination, no ride’ policy pero kung ang mahuhuling driver violator ay matatanggalan ng prangkisa ay magdudulot ng mas malalang problema at ito ay ang kawalan ng masasakyan.

Sa dami aniya ng guidelines na gustong ipatupad ang DOTr ay nakakalimutan nito na iilan pa lamang ang pinapayagan nilang mamasada ngayong panahon ng pandemya.

Facebook Comments