DOTr, pinaglalatag ng response para sa mga apektadong tsuper at commuters ngayong quarantine

Pinaglalatag ng isang kongresista ang Department of Transportation (DOTr) ng data-driven response para matulungan ang mga apektadong tsuper at commuters sa gitna ng health crisis.

Ayon kay Marikina Rep. Stella Quimbo, aabot sa ₱1 billion kada araw ang nawawalang kita mula sa 2.4 million na manggagawa sa Metro Manila na hindi nakakapasok sa trabaho dahil kulang ang public transportation.

Sa 10% ng kabuuang 219,000 na namamasadang public transportation sa buong bansa ay aabot naman ng ₱123 million ang nawawalang kita ng mga tsuper kada araw dahil hindi sila nakakabiyahe.


Ayon naman kay Transportation Asec. Steve Pasto, nagsumite na sila ng mga recovery proposal para sa sektor ng transportasyon.

Isa sa mga inuuna nilang maisakatuparan ay ang fuel subsidy kung saan sasagutin nila ang bayad sa 36 liters ng gasoline para sa mga bus kada araw habang 14 liters naman para sa mga jeep.

Dagdag naman ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Martin Delgra na bago matapos ang buwan ay papayagan na ring makabiyahe ang mga jeep upang madagdagan ang mga public transportation na masasakyan ng publiko.

Facebook Comments