Katulad ng kasalukuyang proseso ng bidding para sa pagbili ng mga lisensya ng mga motorista para sa Land Transportation Office (LTO), pinag-aaralan na ng DOTr ang posibilidad na pagkuha sa serbisyo ng ibang ahensya ng gobyerno para masolusyunan ang isyu sa suplay ng nasabing mga plastic card.
Kaugnay nito, nakikipag-usap na si Transportation Secretary Jaime Bautista sa Director ng National Printing Office (NPO) para sa pagsusuplay ng cards.
Sa ngayon, nasa “exploratory stage” ang pakikipag-ugnayan ng kalihim sa NPO director para sa pagkuha sa serbisyo ng ahensya.
Pinag-aaralan din ni Sec. Bautista na makipag-ugnayan sa APO Production Unit hinggil dito.
Batay sa umiiral na mga batas at regulasyon, kailangan ng Central Bids and Awards Committee (BAC) ng karagdagang detalye bago isapinal ang “agency-to-agency arrangement” sa pamamagitan ng Memorandum of Agreement.