Muling ipinaalala ng Department of Transportation (DOTr) sa publiko na hindi pa balik sa normal ang sitwasyon at nananatili ang General Community Quarantine (GCQ) sa Metro Manila dahil sa COVID-19.
Kasunod na rin ito ng bilang pagbugso ng commuters matapos ilagay sa GCQ ang Metro Manila kung saan nagdulot ito ng matinding traffic at pagdami ng mga stranded na pasahero dahil walang masakyan.
Sa interview ng RMN Manila kay DOTr Assistant Secretary for Communications and Commuter Affairs Goddes Hope Libiran, sinabi nito na sadyang binawasan ng gobyerno ang public transportation upang malimitahan ang galaw ng publiko sa ilalim sa GCQ lalo na’t nananatili ang banta ng COVID-19.
Para sa mga magbabalik sa trabaho, sinagot ni Libiran na malinaw ang inilabas na guidelines ng Inter-Agency Task Force (IATF) na ang mga magbubukas na kompanya ay kailangang magbigay ng sarili nilang shuttle services o kaya ay maglaan ng accommodation para sa kanilang mga empleyado.
Kasabay nito, pinalagan ng opisyal ang batikos na hindi napag-isipan at ngayon palang plina-plano ng pamahalaan ang pagbabalik ng mga mangagawa.
Samantala sa interview ng RMN Manila kay MMDA Traffic Chief Bong Nebrija, iginiit nito na hindi lang usapin ng transportasyon ang kanilang isina-alang-alang kundi maging ang usapin rin ng kalusugan.
Una nang umapela ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga employers na gumawa ng work arrangements para sa kanilang mga empleyado na nahihirapang magcommute sa ilalim ng GCQ.