
Inaprubahan na ng Committee on Transportation ng Commission on Appointments ang ad interim appointment ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon.
Matapos ang higit tatlong oras na confirmation hearing, nagmosyon sa pagdinig si Cong. LRay Villafuerte na aprubahan na ang ad interim appointment ni Dizon na hindi naman tinutulan ng mga miyembro ng komite ng CA.
Dahil lusot na sa komite, iaakyat na ito sa plenaryo para sa pinal na pag-apruba ng CA.
Samantala, kinumpirma ni Dizon na hindi tinanggap ni Pangulong Bongbong Marcos ang kanyang courtesy resignation matapos tanungin tungkol dito ni Senator Joel Villanueva.
Aniya, tinawagan siya ni Executive Secretary Lucas Bersamin at sinabihan siyang hindi nga tinanggap ng Pangulo ang kanyang pagbibitiw.
Samantala, sinuspend naman ng Committee on Information and Communications Technology ng CA ang confirmation hearing para sa ad interim appointment ni DICT Secretary Henry Rhoel Aguda dahil sa kawalan ng oras.
Tulad kay Dizon, kategorikal ding sinabi ni Aguda na tinawagan siya ni Bersamin para sabihin na hindi tinanggap ni PBBM ang kanyang courtesy resignation.
Suspended din ang confirmation hearing kay Presidential Communications Office Secretary Jay Ruiz dahil din sa kawalan ng oras.
Tungkol naman sa kanyang courtesy resignation, sinabi ni Ruiz na sinabihan siya ni Bersamin na mag-focus at ipagpatuloy ang kanyang trabaho dahil hindi pa wini-withdraw ang kanyang appointment.









