DOTr Secretary Arthur Tugade, hinimok ang mga tsuper na lumahok sa ‘Service Contracting Program’

Muling hinikayat ni Secretary Arthur Tugade ng Department of Transportation (DOTr) ang mga tsuper ng mga pampublikong sasakyan na magparehistro at lumahok sa “Service Contracting Program” na isinusulong ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Ayon kay Tugade, isa sa mga layunin nito ang matulungan ang mga driver ng mga pampublikong sasakyan upang mabawi nila ang nawala nilang kita dahil sa pandemya.

Sa pamamagitan aniya ng Service Contracting Program, babayaran ng pamahalaan ang mga tsuper sa pamamagitan ng isang “performance-based subsidy”, kung saan gagawing batayan ang distansyang itinakbo ng mga pampublikong sasakyan na minamaneho nila.


Dahil dito aniya magkakaroon ng dagdag kita ang mga tsuper sa pamamagitan ng pagbibigay ng insentibo base sa kanilang performance, na makakatulong din upang maitaas ang lebel at kalidad ng kanilang serbisyo, kung saan makakatanggap sila ng ₱11 kada kilometro habang ang mga tsuper naman ng mga pampublikong bus ay makakatanggap ng ₱23.10 kada kilometrong itinakbo.

Matatandaan, nitong Huwebes ang unang araw ng general registration para sa nasabing programa na umabot na ng mahigit isang libo na mga driver ang nagparehistro.

Ang nasabing hakbang ay bahagi ng Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2 ay naglaan ng ₱5.58 bilyon para pondohan ang Service Contracting Program.

Facebook Comments