Suportado ni dating Senador JV Ejercito ang pagpapaliban muna sa implementasyon ng Child Car Seat Law na nagre-require ng pagkakaroon ng Child Restraint System sa mga pribadong sasakyan para sa kaligtasan ng mga bata.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Ejercito na nasa bahay lang naman ang mga bata at hindi rin sila nakakalabas dahil sa mga ipinatutupad na restrictions.
Ayon sa dating senador, ang nasabing batas ay inaprubahan noong wala pang COVID-19 pandemic at isinulong aniya ito dahil pumapangalawa sa mga dahilan ng pagkamatay ng mga bata ang aksidente sa sasakyan.
Si Ejercito ang principal author ng naturang batas kung saan nakapaloob dito na ang mga batang nasa edad 12 taong gulang pababa ay hindi rin papayagan na umupo sa harapan ng sasakyan.
Naniniwala rin siyang nagkaroon ng pagkukulang ang ilang ahensiya sa pagpapakalat ng impormasyon bago pa man ito tuluyang i-implementa.
Samantala, ipinaliwanag naman ni Department of Transportation (DOTr) Assistant Secretary Goddes Hope Libiran na natapos na kahapon ang one-year period na kinakailangan bago ipatupad ang isang batas kung kaya’t hindi rin nila pwede itong ipatigil.
Kaugnay nito, nais aniya ni Transportation Secretary Arthur Tugade na habang bawal pa ang mga bata na lumabas ay gamitin muna ang pagkakataong ito sa information drive.