Nilinaw ng Department of Transportation (DOTr) na ang pagbabalik ng motorcycle hailing services gaya ng Angkas at Joyride ay hindi pa rin papayagan.
Pero ayon kay Transportation Assistant Secretary Goddes Hope Libiran, ikinokonsidera ang pagpapahintulot ng backriding sa mga pribadong motorsiklo, at saklaw ng ilalabas na health safety guidelines ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID).
Aalamin ng IATF ang ligtas at epektibong paraan na mabawasan ang banta ng transmission ng COVID-19 sa motorcycle backriding.
Pagdating sa motorcycle taxis, sinabi ni Libiran na napaso na ang pilot study o trial period nitong Abril at nakapagsumite na sila sa Kamara ng kanilang rekomendasyon at hinihintay na lamang kung papayagan silang magpatuloy ng kanilang operasyon.
Nabatid na naglabas ang Angkas at Joyride ng kanilang panukalang pagkakabit ng plastic shields sa pagitan ng pasahero at driver nito para maiwasan ang transmission ng COVID-19.