DOTr, suportado ang pagbuo ng mega task force na mag-iimbestiga sa korapsyon sa gobyerno

Suportado ng Department of Transportation (DOTr) at attached agencies nito sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na bumuo ng mega task force na mag-iimbestiga sa korapsyon sa pamahalaan.

Ayon kay Transportation Secretary Arthur Tugade, tinalakay na niya ang bagay na ito sa lahat ng pinuno ng mga tanggapan.

Nakiusap din si Tugade sa mga ito na tumalima sa pagsusumite ng kanilang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) sa task force na pinamumunuan ni Justice Secretary Menardo Guevarra.


Nagtalaga na ang kalihim ng grupo at isang point person na siyang magre-review ng SALN ng lahat ng DOTr officials.

Ikinalugod din ni Tugade na hindi kasama ang DOTr sa limang ahensyang tinukoy ni Pangulong Duterte na laganap ang korapsyon.

Sinabi naman ni Land Transportation Office (LTO) Senior Consultant Alberto Suansing, handa silang makipagtulungan sa imbestigasyon ng mega task force.

Ang LTO ay gumagamit ng Land Management System (LMS), kung saan ginagamit na ang teknolohiya at online services para sa lahat ng transaction na may kinalaman sa application at renewal ng driver’s license at registration at renewal ng sasakyan.

Facebook Comments