Inihayag ng Department of Transportation (DOTr) na tatalima sila sa desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na panatilihin ang one (1) meter social distancing sa public transportations.
Ayon kay DOTr Assistant Secretary Goddes Hope Libiran, bilang pagtalima, mahigpit na ipatutupad ng MRT-3 ang one-meter physical distancing sa public transportations simula ngayong araw.
Ibig sabihin, ibabalik sa 153 na pasahero ang maaaring sumakay sa isang train set kung saan may 51 na pasahero kada bagon.
Patuloy naman ang pagpapatupad ng mga health and safety protocol sa mga istasyon at sa loob ng mga bagon ng tren.
Kabilang dito ang pagsusuot ng face mask at face shield, palagiang pagdi-disinfect at pagbabawal ng pagsagot ng tawag sa kahit anong communications device, pagkain at pagsasalita habang nasa loob ng tren.
Ayon pa kay Libiran, makikipag-ugnayan sila sa Philippine National Police (PNP), I-ACT, Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB), Land Transportation Office (LTO), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Highway Patrol Group (HPG) para sa agresibong pagpapatupad ng one-meter rule.
Maglalabas rin ng bagong guidelines ang LTFRB para sa mga Public Utility Vehicles (PUVs).
Apela ng DOTr sa mga PUV operators, huwag nang gawing isyu ang kabawasan sa kita dahil hindi ang passenger capacity ang pinag-uusapan kundi ang distansya.