Sinisikap ng Department of Transportation (DOTr) na maialis ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa listahan ng mga “worst airport” sa Asya at sa buong mundo.
Ayon kay DOTr Secretary Jaime Bautista, inalis na nila ang mga x-ray machines sa entrance ng paliparan upang maiwasan ang mahabang pila.
Naglagay na rin ng mga karagdagang CCTV cameras sa lahat ng terminal para maiwasan ang mga insidente ng nakawan at pangongotong na kinasasangkutan pa mismo ng mga tauhan ng paliparan.
Pinag-aaralan na rin ng ahensya na gawing purely domestic ang NAIA Terminal 2 at palakihin para makapag-operate doon ang lahat ng domestic carriers.
Iminungkahi din ng kalihim ang paggiba sa Philippine Village Hotel na malapit lang sa NAIA para mapagtayuan ng domestic terminal.
Nito lamang Enero nang bansagan ang NAIA bilang “third most stressful airport in Asia” ng travel website na hawaiianislands.com.
Tinawag din itong “an often frustrating” airport ng Guide to Sleeping in Airports website dahil sa mahabang pila ng mga biyahero, mga tindahang tumatanggap lang ng cash at kakaunting ATM machines sa loob ng paliparan.