Inihayag ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade na welcome sa kanila ang serbisyong ibibigay ng SquidPay bilang katuwang nito sa kanilang programang cashless payment option na gagamitin ng mga Public Utility Vehicle (PUV), Transport Network Vehicles Service (TNVS) at mga taxi.
Ayon kay Tugade, ang nasabing hakbang ay tugon ng ahensya upang maipatupad ang contactless transaction ng mga pasahero at ng driver habang umiiral ang banta ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Aniya, makakatulong ito para maiwasan na maipasa ang virus sa iba pang tao at dahil dito makakatiyak ang publiko na hindi na kakalat pa ang virus.
Kabilang din aniya ito sa pagpapatupad ng contact tracing dahil sa system na gagamitin sa cashless payment, malalaman nito kung sino ang sumakay, anong oras at kailan ito sumakay, at higit sa lahat malalaman kung saan galing at saan ibinaba ang isang pasahero.
Dahil dito, mas mapapabilis ang pag-trace sa mga taong posibleng carrier ng virus na sumakay sa mga pampublikong transportasyon sa mga lugar na umiiral ang General Community Quarantine (GCQ).
Ang cashless payment ay matagal nang isinusulong ng DOTr sa ilalim ng Transportation Modernization Program nito o bago pa mangyari ang COVID-19 pandemic sa bansa.