Naniniwala ang pamunuan ng Department of Transportation (DOTr) na aasahan na sa unang araw ng Hunyo ang pagtatapos ng konstruksyon ng COVID-19 test facility na itinatayo ng Mactan-Cebu International Airport (MCIA).
Ang pahayag ay ginawa ng DOTr bilang bahagi ng pagtutulungan ng mga ahensya ng gobyerno at pribadong sektor upang labanan ang nakakamatay na virus.
Base sa report ng DOTr, ang Mactan-Cebu International Airport Laboratory ay may kakayahang magsuri ng 900 Reverse Transcription-Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) Tests kada araw.
Paliwanag ng DOTr, higit umano itong doble sa test na nagagawa ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na 400 bawat araw.
Dagdag pa ng DOTr, ang laboratoryo ay para lamang muna sa mga magbabalik na OFWs at seafarers na libre at aakuin ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).