Mahigpit pa rin ang ginagawang pagbabantay ng pamahalaan sa mga pampublikong transportasyon, upang matiyak na nasusunod ang mga pag-iingat laban sa COVID-19.
Sa Laging Handa public press briefing sinabi ni Transportation Assistant Secretary for Special Concerns Manuel Gonzales, na mayroon pa ring mga marshal ang sumasakay sa mga pampublikong transportasyon para masiguro na nasusunod ang pitong commandments na itinatakda ng Department of Transportation (DOTr) alinsunod sa Inter-Agency Task Force (IATF) guidelines.
Kabilang dito ang pagsusuot ng face mask at face shields, pagbabawal sa pag-uusap, pagkain, pagkakaroon ng sapat na bentilasyon, palagiang disinfection, hindi pagsasakay ng mga pasaherong mayroong sintomas at pagsunod sa physical distancing.
Ayon sa opisyal, walang nabago sa umiiral na paghihigpit sa public transportation, kahit nasa ilalim na ng Alert Level System ang Metro Manila.