Inatasan na ng Department of Transportation (DOTr) ang mga opisyal nito sa railway sector na bumuo ng mga alternatibo upang tugunan ang napipintong kakulangan sa stored-value o “beep” cards.
Kasunod ito ng kabiguan ng AF Payments Inc., na maipadala ang aabot sa 75,000 stored-value cards na kinakailangan ng Metro Rail Transit Line-3 (MRT-3) para sa buwan ng Hulyo.
Ayon sa DOTr, inaasahan nila ang paglaki ng demand para rito kasunod ng pagbabalik ng face-to-face classes sa August 22 gayundin ang pagmandato sa mga manggagawa na magtrabaho on-site.
Lumalabas kasi na mas praktikal ang pagkakaroon ng stored value cards bunsod ng diskwento na makukuha kapag ito ang ginamit kumpara single journey tickets at mas mapapabilis ang pagpasok sa bagon dahil hindi na kailangang pumila pa upang makakuha ng ticket.
Dahil dito, inabisuhan ng pamunuan ng MRT-3 ang mga pasaherong mayroong beep cards na paka-ingatan ito habang naghahanap na sila ng ibang mapagkukunan ng suplay nito.