
Simula ngayong araw, hindi na kailangan pang mag-fill out ng mga estudyante, senior citizen at PWD para makakuha ng diskwento sa pasahe.
Ito’y matapos ipag-utos ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon na alisin na ang pagsagot sa form ng mga estudyanteng gumagamit sa LRT-1, LRT-2 at MRT-3 para sa mas mabilis na pag-avail ng 50% discount sa mga tren.
Ang utos na ito ay kasunod ng na-monitor ni Transportation Secretary Vince Dizon na isa sa nakakapagpabagal ng pila ang pag fill-out pa ng form o paglagay ng pangalan bago makakuha ng ticket at discount ang mga estudyante.
Ayon kay Dizon, nais nilang bigyan ng mas accessible at mabilis na proseso ang mga sasakay ng tren lalo na sa mga estudyanteng papasok sa mga paaralan, mga senior citizens at persons with disability (PWD).
Kailangan na lamang nilang ipakita ang kanilang mga identification cards o ID para mabigyan sila ng single journey ticket at discount sa pasahe.









