Hihingi ang Department of Transportation (DOTr) ng karagdagang pondo sa Department of Budget and Management (DBM) upang makapag-hire ng regular employees sa Office for Transportation Security (OTS).
Sabi ni DOTr Secretary Jaime Bautista, layon nito na maisaayos ang operasyon ng OTS sa mga paliparan at maiwasang masangkot sila sa mga iligal na gawain.
Aminado ang kalihim na halos lahat ng OTS screeners ay mga kontraktwal at mababa lang ang sahod dahilan kaya napipilitan silang magnakaw o gumawa ng hindi maganda sa mga pasahero.
“Masakit mang sabihin, yung mga employees natin ay mga kontraktwal, halos lahat ng screeners natin ay contractual employees na ang sweldo ay maliit na kapag binawan mo pa ng deduction e halos konti na lang ang naiuuwi sa pamilya,” ani Bautista sa interview ng DZXL.
“Ang request namin sa DBM, payagan kaming mag-hire ng regular employees,” dagdag niya.
Samantala, bumili na rin ang DOTr ng mga body camera na gagamitin ng OTS upang maiwasan ang mga insidente ng pagnanakaw o pangongotong ng mga tauhan nito sa mga paliparan.
Una nang ipinagbawal sa mga tauhan ng OTS ang pagsusuot ng jacket at mga damit na may bulsa habang naka-duty.