Double standard sa pagkontrol ng gobyerno sa pandemya, pinuna ni Senator Marcos

Pinuna ni Senador Imee Marcos ang “double standard” o magkasalungat na pamantayan ng pamahalaan sa pagsugpo sa COVID-19 makaraang payagan ang mga empleyado ng gobyerno na huwag nang dumaan pa sa testing at quarantine sa mga local government units o LGUs kung saan sila dumating para sa opisyal na gawain.

Diin ni Marcos, ang nasabing special treatment ng Inter-Agency Task Force sa mga empleyado ng gobyerno ang mas magpapahirap sa mga LGU na kontrolin ang pagkalat ng impeksyon at hikayatin ang pakikipag-kooperasyon ng kanilang nasasakupan.

Para kay Marcos, masyadong mapangahas at delikado ang nabanggit na patakaran bukod sa mas dapat maging halimbawa ang mga empleyado ng gobyerno sa pagsunod sa mga quarantine at health protocols.


Ipinaliwanag pa ni Marcos na mas alam ng mga LGU ang sitwasyon sa kanilang mga lugar, kaya dapat sundin at irespeto ang pinatutupad na testing at quarantine protocols ng bawat LGU.

Ipinunto pa ni Marcos na dahil hindi tiyak ang madaliang suplay ng bakuna para sa buong mundo, kaya ang IATF ang dapat unang sumunod sa maigting na kampanya nito na “test, trace and treat” habang hindi pa nasisimulan ang maramihang pagbabakuna sa taumbayan.

Facebook Comments