Ipinabubusisi ni Senator Raffy Tulfo sa Bureau of Internal Revenue (BIR) ang “double taxation” na ipinapataw sa mga vloggers at mga online sellers.
Ibinahagi ni Tulfo na isa ring content creator, na naranasan niyang singilin ng BIR ng buwis para sa kita sa kanyang YouTube posts bagaman ang natanggap niyang cheke mula sa Estados Unidos ay nakaltasan na roon ng buwis.
Sinabi ni Tulfo na bilang mabuting mamamayan at maayos na taxpayer ay ayos lang naman na magbayad ng nararapat na buwis pero dapat ay maglatag ang BIR ng maayos na sistema para hindi nagdodoble ang binabayarang buwis.
Pinalilinaw rin ni Tulfo sa BIR ang pagpapataw ng buwis sa online sellers para hindi sila mabigatan.
Aniya, ang mga online sellers ay pinapatawan ng value added tax (VAT) kapag bumibili ng raw materials para sa kanilang produkto pero sinisingil pa rin sila ng iba pang buwis.
Kung may ipapataw man aniya na buwis sa mga online sellers ay dapat maliit lang.