Mas nakatuon ngayon ang pamahalaan sa downward trajectory o pagbaba ng bilang ng kaso ng COVID-19 kaysa makita ang flattening of the curve o pagpatag ng kaso.
Ito ang iginiit ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III sa harap ng mga obserbasyon mula sa mga statistical experts na nagkakaroon na ng flattening of the curve.
Bagama’t hindi agad basta-basta mawawala ang virus, sinabi ni Secretary Duque na target ng pamahalaan na durugin ang pagkukumpol o clustering ng mga kaso, mabawasan ang transmission at mapalakas ang kapasidad ng health system ng bansa.
Idinagdag din ni Secretary Duque na pinatataas din ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang recovery rates o bilang ng mga gumagaling sa COVID-19.
“Our goal is to bring it up to about 90 to 95 percent recovery rate. And that is what the IATF is really focusing on. Hopefully we could do a 98 percent recovery rate,” sabi ni Secretary Duque.
Sa ngayon, ang recovery rate ng bansa ay nasa 85%.
Napanatili rin ng Pilipinas ang mababang death rate na nasa 1.9%.
Ipinunto rin ni Secretary Duque na ang Pilipinas ay limitado ang resources nito kumpara sa mga katabing bansa sa Southeast Asia.