Downward trend ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa NCR, nagpapatuloy; Ilang high-risk areas sa bansa, seryosong pinatutugunan sa gobyerno

Patuloy ang pagbaba ng bilang ng naitatalang bagong kaso ng COVID-19 sa Metro Manila.

Sa report ng OCTA Research Team, bumaba na sa 0.70 percent ang reproduction number ng transmission rate ng virus sa National Capital Region (NCR).

Bukod dito, bumaba na rin sa 6% ang positivity rate sa NCR mula sa dating 8%.


Gayunman, ikinaalarma ng grupo ang mataas na attack rate o mataas na percentage ng populasyon na tinatamaan ng sakit kada araw sa Pasig, Makati, Pasay, Mandaluyong, Marikina at Valenzuela.

Habang mataas pa rin sa 70% critical level ang hospital occupancy sa Makati, Mandaluyong at Muntinlupa.

Mataas din ang caseload at attack rate sa Baguio City, Olongapo (Zambales) at Ilagan City (Isabela).

Kabilang pa rin sa mga high-risk areas sa Luzon partikular sa CALABARZON ay ang Calamba, Lucena, Santo Tomas, Taytay, Cainta, General Trias at Batangas City.

Sa Visayas, nananatiling high-risk area ang Iloilo City at malapit na sa critical level ang hospital occupancy.

Ayon pa sa grupo, dapat na seryosong tugunan ang COVID-19 situation sa Butuan sa Mindanao na itinuturing ding high-risk area.

Umabot na sa 359,169 ang tinamaan ng COVID-19 sa bansa na may 42,191 active cases.

Pasok ang Pilipinas sa top 20 countries sa buong mundo na may pinakamataas na bilang ng COVID-19 patients.

Facebook Comments