Hindi muna manghuhuli bukas ang Department of Public Order and Safety (DPOS) ng Quezon City (QC) ng mga bikers na lalabag sa ordinansa para sa mandatory na pagsusuot ng helmet.
Ayon kay DPOS Chief Elmo San Diego, nais muna nilang tapusin ang pamamahagi ng 5,000 libreng helmet para sa mga bikers bago simulan ang pagpapatupad ng ordinansa.
Sa kasalukuyan, mayroong 1,500 na mga helmet ang kanilang naibibigay pa lamang sa mga bikers ng lungsod at kailangan nila itong ubusin.
Bukas na sana ang nakatakdang pagsisimula ng pagpapatupad ng nasabing ordinansa ngunit dahil namimigay pa sila ng helmet ay iuurong nila ito sa Nobyembre 1.
Sa ilalim ng ordinansa, 300 pesos ang magiging multa sa unang paglabag, 500 pesos sa ikalawang paglabag at 1,000 pesos sa ikatlong paglabag.