DPWH, aalisan na ng mandato sa pagtatayo ng ilang infrastructure projects

Desidido ang mataas na kapulungan ng Kongreso na tanggalan ng poder at pondo ang Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa ilang infrastructure projects.

Ayon kay Senate Committee on Finance Chairman Sherwin Gatchalian, magpapasok sila ng amendments at special provisions sa ilalim ng 2026 national budget para tuluyang alisin na ang poder ng DPWH sa pagpapatayo ng mga infrastructure projects ng ibang ahensya ng pamahalaan.

Sa pamamagitan ng institutional amendments, ang pondo para sa pagtatayo ng farm-to-market roads ay ililipat na sa Department of Agriculture; ang pagpapatayo ng mga military facilities ay sa Department of National Defense; ang pagpapagawa ng mga school buildings at classrooms ay ipauubaya rin sa Department of Education; at ang mga medical at health facilities ay sa Department of Health.

Natuklasan sa mga pagdinig ng budget ng mga nabanggit na ahensya na may mga substandard, hindi natapos, ghost at overpriced na proyekto na gawa ang DPWH.

Maglalagay rin ang Senado ng special provisions kung saan bibigyan ng flexibility ang mga ahensya kung magtitiwala pa rin sa DPWH para sa pagpapatayo ng kanilang imprastraktura.

Maaari din ibaba sa mga LGU ang mga proyekto at makipag-partner sa mga private sectors sa ilalim ng PPP o public-private partnership.

Facebook Comments