DPWH at BFP, nagsasagawa pa din ng imbestigasyon sa bumigay na parte ng proyektong Skyway Stage 3 matapos madamay sa sunog

Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at Bureau of Fire Protection (BFP) hinggil sa bumigay na parte ng proyektong Skyway Stage 3.

Matatandaan na nadamay ang parte ng skyway sa nangyaring sunog sa plastic warehouse ng San Miguel Corporation sa Pandacan, Maynila noong Sabado.

Nagsagawa na ng inspeksyon ang mga tauhan ng BFP sa lugar kungg saan gumuho ang bahagi ng Skyway.


Ayon kay DPWH Secretary Mark Villar, nagpapatuloy pa rin ang assessment nila sa gumuhong bahagi ng proyekto kaya at hindi pa nila masabi kung magkano ang halaga ng pinsala.

Sinabi pa ni Villar na target sana nilang matapos ang proyekto sa Abril o Mayo ngayong taon, pero dahil sa nangyari ay madedelay muna ito.

Sa kabila nito, tiniyak ng kalihim na sa lalong madaling panahon ay sisimulan na muki ang pagsasa-ayos sa Skyway, partikular ang nasirang parte na tinatayang nasa 300 metro.

Hindi na muna rin daw bubuksan ang Skyway kung hindi ito isang daang porsyentong sigurado at ligtas sa motorista.

Ang Skyway Stage 3 project ay target na magpapagaan sa biyahe ng mga motorista, dahil ito ay magkokonekta sa South Luzon at North Luzon Expressways.

Facebook Comments