Nanguna ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga ahensya ng pamahalaan na may mataas na paggastos ngayong ikatlong quarter ng taon.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni National Economic and Development Authority (NEDA) Undersecretary Rosemarie Edillon, nag-improve ang paggastos ng dalawang ahensya kung kaya’t nanguna ito sa capital spending.
Isa sa tatlong agenda na tinalakay ni Pangulong Bongbong Marcos, ang government spending, na sinasabi ng economic managers ng bansa na siyang makapagpapahusay sa growth rate sa pagtatapos ng taon.
Ang dalawang iba pa ay ang food inflation at non-food inflation.
Dagdag pa ni Edillion, nagsumite ang mga ahensya ng kanilang “catch-up plans,’ habang marami sa mga ito ang nag- improve ang paggastos para sa third quarter.
Matatandaang nauna nang sinabi ni NEDA Secretary Arsenio Balisacan na ang pagpapabilis sa implementasyon ng mga proyekto at programa ay mapakikinabangan ng ekonomiya para sa second half ng 2023.