
Naisumite na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at ng Independent Commission on Infrastructure (ICI) ang kanilang rekomendasyon sa Office of the Ombudsman para sampahan ng kaso sina dating House Speaker Martin Romualdez at dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co kaugnay ng umano’y pagkakasangkot ng mga ito sa anomalya sa mga flood control project.
Kabilang sa mga inirekomendang kaso ay plunder, paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, at indirect bribery.
Ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon, ang kanilang isinumiteng dokumento ay naglalaman ng mga kontratang nagkakahalaga ng mahigit P100 bilyon mula sa mga contractor na Sunwest at Hi-Tone na na-award mula 2016 hanggang 2025.
Kasama rin sa isinumiteng dokumento ang mga sinumpaang salaysay na umano’y nag-uugnay sa dalawang dating mambabatas, kabilang na ang testimonya ng whistleblower na si Sgt. Orly Guteza na inihayag sa Senate Blue Ribbon Committee. Ang lahat ng ito ay pormal na isinumite ng DPWH at ICI sa Ombudsman.
Bago ito, nakapaghain na rin ng kaso ang Ombudsman sa Sandiganbayan laban kay Co at ilang opisyal ng DPWH–MIMAROPA kaugnay ng malversation at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.









