Nakipagpulong ang ilang mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Fact-Finding Mission mula sa Japan International Cooperation Agency (JICA) para planong 65-kilometer Cagayan De Oro – Malaybalay Section ng Central Mindanao High-Standard Highway (HSH) Project.
Pinangunahan ito ni DPWH Senior Usec. Emil Sadain at ilang representative ng JICA Philippines kung saan bahagi ng napag-usapan ay ang ginawang pag-aaral para sa proposed Official Development Assistance (ODA) loan financing sa naturang proyekto.
Nabatid na ang Central Mindanao High-Standard Highway Construction Project ay isa sa priority projects na kapwa inaprubahan noong 14th Philippines-Japan High-Level Joint Committee Meeting on Infrastructure Development and Economic Cooperation.
Sakaling matapos at makumpleto ang proyekto, isa ito sa magiging daan para mapabilis ang paghahatid ng agricultural products mula sa malalaling plantasyon papunta sa local markets at magsisilbing gateway ports sa Cagayan de Oro City.
Mas mapapabilis din ng nasabing proyekto ang transportasyon mula sa 28 barangay sa apat na munisipalidad at dalawang lungsod kung saan konektado na rin ito sa Northern Mindanao.
Nagpapasalamat naman si Sadain sa gobyerno ng Japan sa suportang ibinibigay para sa mga infrastructure flagship projects ng DPWH kung saan malaling tulong ito para maabot ang adhikain ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na Bagong Pilipinas.