DPWH at LGUs, hinimok ng MMDA na paigtingin ang pag-inspeksyon sa mga gusali at establisyimento sa Metro Manila sa harap ng mga nararanasang paglindol sa iba’t ibang bahagi ng bansa

Hinihikayat pa rin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at mga lokal na pamahalaan na ipagpatuloy lamang ang pag-inspeksyon sa mga gusali at establisyimento sa Metro Manila.

Ito ay upang makita at masiguro ang structural integrity ng mga gusali bilang bahagi ng paghahanda sa inaasahang the big one o lindol na nasa 7.2 magnitude sakaling dumating na ito.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Atty. Mellisa Carunungan, tagapagsalita ng MMDA na sakop ng mandato ng DPWH at LGUs ang pagpanatili sa katatagan ng mga gusali at pag-inspeksyon sa kanilang mga nasasakupan.


Sa panig naman ng MMDA ayon kay Atty. Carunungan ay patuloy sila sa pagsasagawa ng nga seminars at lectures hinggil sa disaster preparedness o mga paghahanda sa pagtama ng kalamidad.

Nakahanda rin aniya ng kanilang mga personnel sa public safety division para sa search and rescue operations kapag kinailangan.

Sakali aniyang may makitang pagkukulang, diprensiya o anupamang pinsala ang mga taga DPWH sa mga gusali, pwede silang mag-utos sa building administrator o may-ari na magsagawa ng pagkumpuni.

Paalala ni Carungunan na mayroong provisions sa ilalim ng national building code na maaaring kaharapin ng mga may ari ng gusali kapag may nalabag.

Facebook Comments