
Sinimulan na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang paglilinis ng mga drainage system sa San Venancio Street, Barangay San Perfecto, San Juan City.
Dumating sina San Juan City Mayor Francis Zamora at DPWH Secretary Vince Dizon upang magsagawa ng joint inspection sa lugar.
Ayon kay Zamora, mabilis ang pagtaas ng tubig sa lugar kahit mahinang pag-ulan, kaya nakipag-ugnayan na sila sa DPWH at iba pang ahensya upang maresolba ang problema.
Sa inspeksyon, tumambad ang drainage na halos puno ng iba’t ibang uri ng basura, partikular na mga plastic bottle, at makikitang silted na ito. Tinatayang nasa anim na talampakan ang lalim ng drainage na dapat sana’y tumutulong sa pagkontrol ng baha.
Nadiskubre din na may nakatayong mga bahay sa ibabaw ng drainage na nagsisilbing daluyan sana ng tubig palabas ng lugar. Dahil dito, kinailangang gibain ang istrakturang tinitirhan ng walong pamilya.
Ayon kay Zamora, kinausap na niya ang mga residente, ipinaliwanag ang sitwasyon, at pumayag naman ang mga ito na lisanin ang lugar. Sa ngayon, nananatili sila sa prefabricated housing units sa Barangay Batis, ilang metro mula sa kanilang dating tirahan.
Samantala, sinabi ni Dizon na halos lahat ng lokal na pamahalaan ay kumokonsulta sa DPWH dahil sa problema sa pagbaha sa kani-kanilang lugar.









